Matapos makaramdam ng matinding pananakit, unti-unting lumaki ang tiyan ng isang 26-anyos na babae sa United Kingdom.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing madalas na mapagkamalang buntis si Siobhan Foster dahil sa laki ng kaniyang tiyan.

Ayon kay Foster, March 2022 nang makaramdam siya nang matinding pananakit ng tiyan, at pagkaraan ng ilang linggo ay nagsimula na itong lumubo.

Nang magpasuri sa ospital, nalaman kaagad ng mga duktor ang dahilan ng paglaki ng kaniyang tiyan matapos siyang isailalim sa ultrasound at abdominal scan.

Sinabihan si Foster ng mga duktor na mayroon siyang cyst o bukol sa loob ng kaniyang tiyan na 40 cm ang laki.

Pero kahit mabilis na nalaman ang problema sa kaniyang tiyan, kinailangan pa ni Foster na maghintay ng 11 linggo bago maoperahan.

Sa panahong naghihintay siya ng operasyon, lalo pang lumaki ang kaniyang cyst na umabot ang timbang ng halos 16kg. Dahilan para mahirapan na siyang kumilos at maglakad.

Pero nitong June 2023, naisagawa na ang kaniyang operasyon at naalis na ang bukol.

"During surgery, they actually found out it was not actually attached to my ovary. So it was supposed to have been attached to my left overy, however, it was not," ani Foster, na nagsabing ligament cyst at hindi ovarian cyst ang bukol sa kaniyang tiyan.

Muntik na rin daw umabot sa kaniyang kidney ang bukol.

Tinawag na keyhole surgey ang ginawa kay Foster kung saan inalis ang tubig sa kaniyang cyst .

Ilang linggo matapos ang operasyon, bumalik na sa normal ang kaniyang pangangatawan, pati na rin ang kaniyang pamumuhay. --FRJ, GMA Integrated News