Kapansin-pansin na sa isang sitio sa Iligan City, marami ang puno ng saging ang putol ang kalahati ng katawan. Ang dahilan kasi, kinukuha ng mga tao ang katas o tubig mula rito at iniinom dahil kaya raw nitong mapababa ang blood pressure o altapresyon. Totoo kaya ito?

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na sinasadya ng mga residente sa Sitio Sardab sa Iligan City ang lugar na maraming puno ng saging, hindi lang para kumuha ng bunga kung para kumuha ng tubig o katas nito.

Paniwala kasi ng mga residente, mabisa ang manamis-namis na medyo mapaklang lasa ng tubig mula sa puno ng saging na nakatutulong para mapababa ang kanilang altapresyon o high blood.

May nagsasabing lumakas din ang kanilang katawan, gumaang ang pakiramdam, at nawala ang nararamdamang hilo mula nang uminom sila ng tubig mula sa puno ng saging.

Ang 37-anyos na si Dong Apatan, tatlong taon na raw iniinda ang kaniyang high blood na nasa 190/110.

Kung minsan, nakararamdam daw siya ng hirap sa paghinga, naninikip ang dibdib, at sumasakit ang ulo.

Aminado naman si Dong na mahilig siyang kumain ng mga karne at mamantika. Kaya naman binigyan siya ng maintenance medicine. Pero ang hinahanap daw ni Dong ay maintenance na herbal.

Hanggang sa may magturo sa kaniya na uminom ng tubig mula sa puno ng saging. Sa hapon ginagawa ni Dong ang pagputol sa puno ng saging na tatabasin niya sa hanggang baywang.

Pagkatapos nito, uukain niya ang ibabaw at tatakpan ng plastik upang hindi pasukan ng insekto. Kinabukas ng umaga, babalikan niya ang puno para kunin ang katas o tubig.

Ayon kay Dong, dalawa hanggang tatlong litro ang nakukuha sa puno ng saging depende sa taas ng gagawing putol.

Ang tatlong litro ng katas ng puno ng saging, nauubos ni Dong sa loob lang ng isang araw. At sa loob ng walong araw niyang pag-inom ng katas ng puno ng saging, ang BP raw ngayon ni Dong, bumaba na sa 140/90.

Ang nagturo daw kay Dong tungkol sa katas ng puno ng saging ay ang albularyo na si Harlito. Napanaginipan daw niya ito at ipinainom niya sa kaniyang asawa na high blood din ang katas.

Mula sa BP ng asawa na 200/110, bumaba raw ito sa 140/90. Dahil may mga residente na bumaba na ang presyon ng dugo, ang iba, itinigil na ang pag-inom ng gamot kaya nakabawas daw ang kanilang gastusin.

Pero ligtas nga ba talagang inumin ang katas o tubig mula sa puno ng saging? At may basehan kaya na nakatutulong ito para mapababa ang high blood ng isang tao? Alamin ang pahayag ng mga eksperto sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News