Inaresto ang isang lalaki na nagpapanggap na abogado habang dumadalo sa isang pagdinig sa korte sa Nueva Ecija. Ang suspek, ginagamit umano ang pangalan ng isang abogado na matagal nang patay na nagkataong kakilala pala ng hukom na may hawak ng kaniyang kaso.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang Integrated Bar of the Philippines ang mismong nagpaaresto sa suspek na gumagamit sa pangalang “Attorney Elias Estrella,” na matagal na umanong patay.
“Hindi siya abogado. Yung inassume niya ay patay na as evidenced by a death certificate na submitted to us. Personal palang kilala ni Judge yung patay na abogado at ni Atty Dick Fernandez ng IBP,” ayon kay Dom Villanueva, Chief Head Agent ng National Bureau of Investigation-Cabanatuan.
Nakuha rin sa suspek ang driver’s license at iba pang ID na gamit ang pangalang "Atty. Estrella."
Dahil dito, susuriin umano ang mga kasong hinawakan ng suspek, na mahaharap sa mga reklamong usurpation of authority, falsification of public documents, at identity theft.--FRJ, GMA Integrated News