Sa kalagitnaan ng pangunguna ng kawayan na malapit sa isang ilog sa Tagkawayan, Quezon, nagulantang ang apat na magkakaibigan nang may makita silang bilog na apoy na tila lumulutang sa ilog na sinasabing may mina ng ginto.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jan Santillan, na mangunguha sila ng mga kawayan ng kaniyang mga kaibigan malapit sa Linggatong river sa Barangay Bamban para sa itatayo nilang kubo na gagawing tambayan ng kanilang grupo.

Hanggang sa nakita ng isa sa kanila ang tila bilog na apoy na palutang-lutang sa ilog kahit tirik ang araw.

Maliit lang daw noong una ang ningas ng apoy hanggang sa lumakas ito.

Pagtiyak ng grupo, walang ibang tao sa lugar nang sandaling iyon kaya hindi  raw masasabing gawa-gawa lang ang naturang apoy.

Gayunman, hindi raw nilapitan ng grupo ang bilog na apoy dahil bukod sa masukal ang lugar,  natatakot sila na bago sumabog ito.

At dala na rin ng takot na bago pagbalingan at habulin sila ng apoy, nagpasya na lang ang magkakaibigan na tumakbo palayo.

Batay sa paniniwala, posibleng may kayamanan umano na iniingatan sa lugar kapag may nagpakita na tila bolang apoy.

Posible rin daw na may dala itong suwerte o babala.

Ang residente sa lugar na si aling Felomina Lontoc, minsan na rin umanong may nakita bolang apoy sa ilog dalawang dekada na ang nakararaan.

Ayon pa sa ginang, tunay daw na may kayamanan sa naturang ilog dahil dati raw na may nagmimina roon ng ginto.

Upang malaman ang katotohanan, magpunta sa ilog ang mga tauhan ng Municipal Environment and Natural Resources Officer upang kumuha ng samples kung may ginto nga o anumang kemikal sa ilog.

At pagkaraan ng ilang saglit, nakumpirma na tunay na may ginto sa ilog nang makakuha silang ng maliit na butil nito.

Pero ano nga kaya ang sinasabing bolang apoy na nakita at nakuhanan ng video ng grupo ni Jan? Alamin ang buong kuwento at paliwanag ng mga eksperto sa "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News