Isang grupo ng mga snake hunter sa Florida ang namangha sa laki ng sawa na kanilang nahuli. Una kasi nilang inakala na pangkaraniwang laki lang na hanggang 12 talampakan ang sukat nito pero lumalabas na higit pa roon ang laki nito at mahigit isang sako ng bigas ang bigat.

Sa video ng GMA News Feed, makikita ang paghingi ni Jake Waleri ng tulong sa kaniyang mga kasama nang dakmain na niya ang ulo ng sawa na nakita nila sa Everglades, Florida sa Amerika.

Sabi ni Jake, sanay na sila sa malalaking sawa pero hindi niya inasahan ang laki ng kanilang nahuli.

"I would say it is probably the only snake I have ever seen actually scared me to grab. I felt the weight of this thing and I was like, 'Oh my God, this is a monster!,'" ayon kay Jake.

"It was just huge andrenaline rush. Fought for over three minutes to get this thing under control," patuloy niya.

Isang Burmese python ang nahuli ng grupo na hindi raw pangkaraniwan ang laki na may habang 19 feet. Mas mahaba pa ito sa dalawang mahigit seven footer na basketball player.

Ang katawan nito, halos kasinglaki ng binti ng adult na tao, kasinglaki ng palad ng adult na tao ang lapad ng ulo, at umaabot ang bigat nito ng 57 kilos o mahigit pa sa isang sako ng bigas.

Dahil sa laki, ito ngayon ang may hawak ng world record na pinakamalaking Burmese python na nahuli ng tao.

"When we first pulled up to that snake, we thought it might be more like 10 to 12 foot snake. Only its head and about that much of its body was exposed, so I thought I was just going for a decent sized grab on a snake," saad ni Jake. "But this thing ended up being a monster when it finally... really freaked out and then slithered out on the road and that was when we all got to see the true size of the snake."

Dahil na rin sa umiiral na batas sa Florida laban sa mga invasive species na katulad ng Burmese python, pinatay nila Jake ang sawa.

Sinisira kasi ng invasive species ang ecology sa lugar na kanilang pinamumugaran lalo na kapag nakapagparami sila ng lahi.

Ayon sa grupo, pag-aaralan ng conservancy laboratory ang ahas at kumuha ng DNA samples nito. Umaasa ang mga dalubhasa na makakahanap sila ng paraan kung papaano madaling mapupuksa ang naturang uri ng sawa sa lugar at nang hindi na dumami pa.--FRJ, GMA Integrated News