Kinaaliwan at hinangaan ng mga netizen ang isang dancer sa Dinagat Islands matapos na mag-viral ang video na nakitang nalaglag ang kaniyang pustiso habang hataw sa nagsasayaw kasama ang kaniyang grupo. At sa pagpulot niya ng pustiso, hindi mapapansin na nagkaroon siya ng "denture malfunction."

Ayon sa ulat ng GTV "State of The Nation" nitong Martes, sinabing lumalahok noon sa isang dance contest ang grupo ni Bryan Jay Ishioka.

Aminado si Ishioka na nagulat at nag-alala siya nang matanggal ang kaniyang pustiso na baka maapakan ng mga kasama niyang dancer.

Kuwento ng choreographer na si Nathan Agapito, noon pa man ay naiisip na niya na baka malaglag ang pustiso ng kaibigan.

"Sabi ko pa sa kaniya, baka pagdating ng final malaglag nang tuluyan 'yan, ayun nga,” sabi ni Agapito na first time lang naman daw nangyari.

Ayon kay Ishioka, nasa isip niya noon na pulutin agad ang pustiso kahit nagsasayaw pa dahil baka maapakan ng mga kasamahan niya.

“Nakakahiya kasi sir eh, kung sa dulo ko pa pulutin, na tapos na 'yung sayaw, madami ang nakakita eh. Kaya gumawa ako ng paraan," natatawang paliwanag ni Ishioka.

Bagaman natalo sila sa kompetisyon, masaya na daw ang grupo ni Ishioka dahil napangiti nila ang mga netizen.

At para hindi na maulit ang nangyari, hindi na raw magsusuot si Ishioka ng pustiso kapag sumabak sila sa laban. -- Jiselle Casucian /FRJ, GMA Integrated News