Kinagiliwan ang kakaibang pakulo ng isang graduating student na naglabas ng tarpaulin ni Nora Aunor sa stage bilang tribute sa kaniyang inang Noranian sa Nabua, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din ni Bernadette Reyes sa State of the Nation, mapapanood ang video ng recognition ceremony ng Camarines Sur Polytechnic Colleges, kung saan isa sa mga nagmartsa si Nathaniel Kris Fontillas.

Isa sa mga inaabangan si Fontanillas dahil sa kaniyang mga pakulo.

“Weeks before ng graduation namin marami na sa akin ang nagtatanong kung ano ‘yung gagawin kong pakulo sa graduation,” sabi ni Fontillas.

Pagkatapos kunin ang kaniyang diploma, agad inilabas ni Fontillas ang kaniyang sorpresa, na isang tarpaulin ni Nora Aunor.

Terno ang suot na damit ni Ate Guy sa kulay ng toga ng mga estudyante.

“At least graduate ako with Aunor!” biro ni Fontillas. —VAL, GMA Integrated News