Inakala ng isang babae na simpleng singaw lang ang naramdaman niya sa kaniyang dila. Ngunit nang ipasuri, napag-alaman niyang stage 3 cancer na pala ito.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing Disyembre 2019 nang magising si Jamie Powell na tila may singaw sa kaniyamg dila, kaya agad niya itong ipinatingin sa dentista ngunit hindi ito binigyang-pansin noong una.
Ngunit lumaki nang lumaki ang bukol na inakala ni Powell na kusang mawawala. Pero nang hindi mangyari, nagdesisyon na siyang pumunta sa emergency room.
Nang ipakonsulta siya sa espesyalista, nagulantang siya sa lumabas na resulta sa test, dahil mayroon na pala siyang stage 3 cancer sa dila.
“I was not a smoker, I had no other risk factors, and I had to get a second opinion from my EENT who did a biopsy and that was how they knew for sure that it was tongue cancer and it was aggressive,” paglalahad ni Powell.
Dahil dito, sumailalim sa operasyon si Powell at hiniwa ang kaniyang dila, na pinalitan ng tissue mula sa kaniyang binti.
Inalis din ang ilan niyang lymph nodes sa leeg.
Sumailalim si Powell sa 30 rounds ng chemotherapy saka siya idineklarang cancer-free.
Gayunman, hindi naging madali ang kaniyang paggaling dahil nahirapan siyang kumain at magsalita.
“I was realizing everything I’d been through and I’d have to think about the words and if I swallow or eat. I had to do a lot of speech therapy, and there are a lot of lifelong side effects from neck and head radiation. Food will never taste the same and it changes your outlook on food and how you eat,” sabi ni Powell.
Sa tulong ng therapy, naayos ang pananalita ni Powell, na ibinabahagi ngayon ang kaniyang karanasan upang magbigay-babala sa lahat. -- FRJ, GMA Integrated News