Kahit siya ang may-ari ng bahay, nagbibigay-galang at nagta-“tabi-tabi po” ang isang lola sa malaking punso na nasa loob ng kaniyang pamamahay sa Labo, Camarines Norte. Paniwala kasi ni lola, may nakatirang kakaibang nilalang sa punso at may hindi magandang nangyari sa kaniya nang subukan niya itong sirain.

Sa nakaraang episode ng “iJuander,” ikinuwento ng 89-anyos na si Lola Crisanta Asis, na taong 2015 nang una nilang mapansin ang punso.

“Inaalis ko siya, tinataga-taga ko, itinatapon ko sa basurahan,” sabi ni Lola Crisanta.

Pero pagkalipas lang ng ilang araw, nagkaroon si Lola Crisanta ng matinding sakit ng ulo at tiyan. Dahil dito, nagpasiya na siyang magpatingin sa albularyo.

“Noong ako’y magpagamot, nagsabi ito (nuno sa punso) na, ‘‘Yan naman si nanay, ang pangit ng [ugali], ang tapang. ‘Yung bahay ko tinaga-taga na, itinapon pa sa basurahan.’ Ipinakita ‘yan sa akin ng nanggamot sa akin,” kuwento ni Lola Crisanta tungkol sa sinabi umano sa kaniya ng duwende.

“May mga duwende, madami sila. Ipinakita sa akin, si white lady ang nahuli,” dagdag ni Lola Crisanta.

Kaya magmula noon, hindi na sinira pa ni Lola Crisanta ang punso at hinayaan niya na lamang itong lumaki at halos masakop na ang buong kusina ng kaniyang bahay.

Inaalayan din niya ito noon ng matatamis gaya ng tsokolate o lutong karne. Pero nang wala na siyang pinagkakakitaan, unti-unting natigil ang pag-aalay ni Lola Crisanta sa punso.

Mag-isa lang ngayon si Lola Crisanta sa kaniyang buhay kaya ang mga kapitbahay at kaanak ang tumutulong sa kaniyang mga pangangailangan.

Nang suriin ng entomologist na si April Musa-Marinay ang sinasabing "punso," sinabi niya na hindi pangkaraniwan na tumutubo ang punso sa loob ng bahay. Mas madalas umano na makikita ang punso labas ng bahay kung saan may lupa.

Dagdag pa ni Marinay, ang tumpok ng lupa na nasa loob ng bahay ni Lola Crisanta ay mga termite mount o nest, na nanggaling sa lupa na may clay, sand at silt, at may kasamang laway at dumi ng anay.

“Ang termites, kung wala siya sa loob ng isang bahay o pamahayan at kung halimbawang siya ay nasa gubat, siya ay maituturing natin na beneficial insect. Pero once ito ay madala o mailagay o mapunta sa bahay mismo, ito ay maaaring maging peste kapag sila ay kumain ng kahoy, ng halaman, ng papel,” sabi ni Marinay.

Pero paano o saan nga ba nagsimula ang paniniwala ng mga Pinoy tungkol sa mga nuno sa punso, at bakit tayo nagsasabi ng “tabi-tabi po” kapag nakakita nito? Tunghayan sa video ng "i-Juander" ang paliwanag ng isang historian. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News