May isang puno ng mangga sa Calumpit, Bulacan na kaya raw mamunga ng tatlong uri ng mangga: ang apple mango, Indian mango at ang dambuhalang golden queen mango ng Thailand.
Sa programang "Dapat Alam Mo!," sinabing nagawa ni Reden Mercado na mapabunga ng tatlong klase ng mangga ang isa niyang puno ng mangga sa pamamagitan ng "grafting."
Ang grafting ay isang paraan ng pagpapatubo ng halaman sa pamamagitan ng pagdudugtong ng sanga ng puno.
Pinag-aralan umano ni Mercado ang grafting sa panonood ng mga video online at pagbabasa rin ng mga libro.
Maganda raw ang mga grafted na puno sa mga lugar na maliit lang ang lugar ng pagtataniman.
"Puwede po itong itanim sa container, sa paso. Basta naibibigay niyo ang tamang nutrients ng halaman puwede itong mamunga kahit nasa urban areas," ayon kay Mercado.
Ang puno ng mangga na hindi grafted, tumatagal umano lima hanggang walong taon bago mamunga. Pero ang grafted na mangga, puwede na raw mamunga pagkaraan lang ng dalawang taon basta maganda ang pag-aalaga.
Wala rin daw masyadong kaibahan ang lasa ng mga bunga ng mangga na magkakaiba ang uri kahit magkakasama sa iisang puno.
Bukod sa mga tanim sa bakuran, nagbebenta rin si Mercado ng mga grafted na seedling na ginagawa niya sa halagang P400 hanggang P1,500.00
Papaano nga ba ginagawa ang grafting at puwede bang pagsamahin sa iisang puno ang magkaibang klase ng prutas gaya ng avocado at mangga? Panoorin sa video ang sagot. --FRJ, GMA Integrated News