Hindi pinalad na makaligtas ang isang 23-anyos na diver matapos siyang atakihin ng isang tiger shark sa Hurghada, Egypt. Na-videohan pa ang pakikipagbuno ng biktima sa pating.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa video ang pakikipagbuno sa pating ng biktimang si Vladimir Popov, isang Russian pero matagal nang ninirahan sa Egypt.
Sa isa pang video na kumalat online, sinabing sinubukan pa ng biktima na lumangoy palayo sa pating.
Pero ilang saglit pa, ang pating na lang ang napanood sa video bago tuluyang kumalma ang tubig.
Sinabi ng ilang nakasaksi na may ilang lifeguard ang nagtangkang sumagip sa lalaki pero hindi na nila naabutang buhay ang biktima.
Sinabi ng Environment Ministry ng Egypt na isang tiger shark ang umatake sa diver. Kilala ang naturang uri ng pating na pangalawa sa mga pinaka-agresibong pating.
Bagaman nahuli na ang pating, samantalang ipinagbawal muna ang paglangoy at water sports activities sa pinangyarihan ng insidente. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News