Laking tuwa ng mga mangingisda sa Ilocos Sur nang makahuli sila ng dambuhalang bluefin tuna na aabot sa 275 kilo ang bigat.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikita na pinagkaguluhan ng mga residente ng Barangay Alangan sa Magsingal, Ilocos Sur, ang malaking tuna na nahuli ng mga mangingisda.
Ayon kay Nino Tabbuga, inabot ng halos tatlong oras bago nila tuluyang nahuli ang dambuhalang isda.
Bihira din umano silang makakita nang ganoong kalaking tuna sa laot.
Sinabi naman ni Ian Versoza, Division Chief of Fishieries, Ilocos Sur Provincial Agriculture Office, itinuturing "champion" o "super champion" ang mga ganoong kalaking tuna, na bihirang makita.
Batay umano sa kuwento ng mangingisdang nakakausap ni Versoza, dalawa o tatlong taon bago makahuli ng ganoong kalaking isda.
Sinabi pa ni Versosa na karaniwang nasa isa o isa't kalahating kilo lang umano ang bigat ng tuna na nahuhuli sa kanilang lugar.
Naibenta ang giant tuna sa halagang P90 ang bawat kilo. --FRJ, GMA Integrated News