Tila isang malaking turnilyo pero malambot ang natagpuan sa tabing-dagat sa California, USA. Sa Edinburgh, Scotland naman, isang nilalang na mukhang “alien” at may balahibo, spikes, at maliliit na paa ang nakita sa beach.

“It looks like glass, I know. They are actually soft and the case itself is pretty squishy,” paglalarawan ni Rebecca Linh sa kaniyang natagpuang tila turnilyo sa dalampasigan na mapapanood sa video ng GMA News Feed.

Nang itapat niya sa liwanag ang nakitang bagay, may nakita siyang gumagalaw-galaw sa loob nito.

Ayon na rin sa uploader ng video, ang kaniyang napulot sa beach ay isa palang itlog ng horn shark, o isang uri ng pating na hindi kalakihan at madalas matagpuan sa mga maiinit na lugar.

Kumakain ng iba pang lamang-dagat ang mga horn shark. At bagaman hindi sila banta sa kaligtasan ng tao, posible raw mangagat ang mga ito kung makararamdam ng panganib.

Umaabot ng hanggang isang taon bago mapisa ang kanilang itlog na isinusuksok ng inang pating sa mga batuhan o bahura para hindi mawala sa lugar.

Ibinalik ni Linh ang itlog sa dagat at tiniyak na hindi na ito maaanod sa dalampasigan.

Sa isa namang video, naintriga rin ang marami sa isang nilalang na mukhang alien sa Portabello Beach sa Edinburgh.

Mayroon itong mga balahibo, spikes, at maliliit na paa.

“I flipped it over and saw it had lots of tiny legs. I had never seen anything like it. It being an alien definitely crossed my mind,” sabi ni Mike Arnott na nakakita sa “kakaibang” nilalang.

Pagkaraang maging viral sa social media, tinukoy ito ng isang wildlife expert bilang isang sea mouse o Aphrodita.

Isa itong uri ng uod na naninirahan sa dagat.--FRJ, GMA Integrated News