Ikinalungkot ng mga animal lover ang anunsyo na pumanaw na ang kinagigiliwang "security-cat" sa isang gusali sa Mandaluyong City na si "Mingming," na dating palaboy.
Nakasaad sa ginawang Facebook fan page para kay Ming-Ming, na nagkaroon ng gingivitis o pamamaga sa gilagid ang pusa na dahilan para nawalan siya ng ganang kumain.
At kahit dinala na si Mingming sa beterinaryo at ginamot, hindi na bumuti ang kaniyang kondisyon hanggang sa binawian na ng buhay.
"The Best Security Cat officer is crossed over the rainbow bridge," saad sa kaniyang fan page.
"Your favorite bed and table are empty now, where you would lie and sleep,your memories will remain in our hearts, thanks to those we shared, we will miss you so much Sg Mingming. Run free Sg Mingming no more pain now, till we meet again, we love you. goodbye Sg Mingming."
Noong nakaraang Enero, naitampok sa programang "Dapat Alam Mo," ang kuwento ni Mingming, na dating pusang-gala na isinama na bilang miyembro ng security team ng gusali.
Napag-alaman na taong 2021 nang maisipan ng pamunuan ng gusali na ampunin ang pusa at alagaan.
Sa naturang kuwento ni Katrina Son,” sinabing alerto agad si Mingming sa tuwing may pumapasok sa naturang gusali.
“Kusa na lang siya umaakyat sa aming lamesa. Tapos parang gusto niya rin mag-inspeksyon ng mga pumapasok na employee. Mabait po si Mingming sa mga customer at employee,” saad ni Jerome Arranchado, security guard sa gusali.
Kahit daw stressful ang trabaho bilang security guard, good vibes naman daw ang hatid sa kaniya ng pusa.
“Si Mingming po kapag nasa tabi po namin, nawawala po ‘yung pagod namin parang hindi po kami nahihirapan. Ginaganahan po kami magtrabaho. Parang kapatid na rin namin po, pamilya na rin po,” dagdag pa ni Arranchado.
Goodbye and run free Mingming. --FRJ, GMA Integrated News