Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol sa Zamboanga del Norte kamakailan na pinasok ng aso sa kuwarto at sinakmal sa ulo na dahilan ng kaniyang pagkamatay. Ang ina ng sanggol, sinabing tila aswang ang umatake sa kaniyang anak, at may ikinuwento pa tungkol sa isang matanda na nakita niya sa kanilang lugar ang kagimbal-gimbal na pangyayari.
Sa bahagi ng pahayag ng ginang sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi nito na walang ibang sugat na tinamo ang kaniyang anak maliban sa ulo na tila pinuntirya umano ang utak ng bata.
"Yung utak po talaga yung kinuha. Wala po siyang kahit anong sugat sa mukha," sabi ng ginang.
"Parang aswang po. Kung aso 'yon sir kami yung unang kakagatin nun. Kasi parang ano na siya wild na siya eh," patuloy ng ginang.
Sa kuha ng CCTV sa isang gas station sa bayan ng resident Manuel A. Roxas, kung saan nangyari ang insidente, makikita na dumaan ang isang aso sa isang babae at isang lalaki na nagbabantay sa gasolinahan.
Dumiretso ang aso sa kuwarto, at maya-maya lang ay makikita na ang lalaki at babae na napatakbo. Ilang sagling lang, lumabas ang lalaki na bitbit ang aso at kaniyang ibinalibag sa semento.
Sandaling hindi kumilos ang aso pero muling tumayo at dali-daling umalis.
READ: Tatlong-buwang-gulang na sanggol, patay matapos kagatin ng aso sa ulo
Ayon sa ginang, tinanong niya ang kaniyang mister kung may nakita ba ito na aso na dumaan sa kanila pero wala raw itong nakita.
"Dinaanan lang po kami, sa harap mismo niya. Tinanong ko siya, 'may nakita ka ba talaga na aso.?' Wala daw po. Sa CCTV lang po namin nakita na may aso talaga tapos nakatingin pa sa amin yung aso," ayon sa ginang.
Kuwento nang ginang, ilang araw bago mangyari ang trahediya, may matanda raw na lumapit sa kaniya na gustong-gusto ang kaniyang anak.
"Nung hindi pa po 'yon nangyari, may matanda po na lumapit sa akin. Hindi pa 'yon patay ang anak ko, gustong-gusto niya yung anak ko," anang ginang.
Pero inilalayo raw niya ang kaniyang anak sa matanda na noon lang daw niya nakita sa gasolinahan.
"Hanggang sa sumakay na siya pauwi nakatingin pa rin sa bata. Tapos 'yon may nangyari nga sa bata mga ilang araw," sabi pa niya.
Ayon pa sa ginang, maging ang aso na kumagat sa kaniyang anak ay noon lang niya nakita sa kanilang lugar.
"Marami pong aso dun hindi naman napasok sa kuwarto namin," sabi pa niya.--FRJ, GMA Integrated News