Ikinagulat ng mga tauhan ng isang zoo sa Athens, Greece nang may makita sila sa basurahan na isang nanghihina at payat na pambihirang uri ng white tiger.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing bata pa lang ang naturang tigre na tinatayang tatlong-buwang-gulang, at isang babae.
Hinihinala ng mga awtoridad na galing sa ilegal na bentahan ng wildlife ang white tiger, na nakita sa basurahan sa parking lot ng Attica Zoological Park.
Nang suriin ng mga beterinaryo ang batang tigre, mababa ang kaniyang timbang, dehydrated, may mga sakit, at may metal pin sa isa niyang paa.
Sa kabila ng isinagawang gamutan, nananatiling nasa peligro pa rin ang lagay ng tigre. May mga international orgnization na nakikipag-ugnayan sa zoo para tumulong na maisalba ang buhay ng pambihirang uri ng hayop.
Ayon kay Noi Psaroudaki, veterinarian, lumabas sa resulta ng X-ray na may metabolic bone disease ang tigre.
"She was probably fed an improper diet, and she is severely deficient in vitamins and minerals, and this makes her bones extremely fragile," paliwanag niya.
Kapag bumuti na kaniyang lagay, ililipat umano ang tigre sa sanctuary dahil wala itong kasamang mga white tiger sa zoo. --FRJ, GMA Integrated News