Isang bagong uri ng ipis na nadiskubre sa Singapore ay kahawig umano at ipinangalan sa isang karakter sa anime at video game series na Pokemon: Pheromosa.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi na ang naturang ipis na unang nakita sa forested nature reserve sa Singapore, ay nadiskubre ng Singaporean entomologist na si Foo Maoshen, katuwang ang Pinoy na si Christian Lucanas.
Dahil mahilig umano sa Pokemon ang dalawang dalubhasa at may pagkakahiwig ang ipis sa nabanggit na karakter, tinawag nila ang bagong natuklasan na Nocticola pheromosa.
Inabot din umano ng ilang taon ang kanilang pag-aaral sa kanilang natuklasan na uri ng ipis.-- FRJ, GMA Integrated News