Dahil sa kanilang reputasyon na madumi at mabaho, madalas na tinitilian ng mga tao ang mga ipis, hindi sa tuwa kundi sa pandidiri. Pero ang mga naturang hayop na itinuturing na peste ng ilan, mahalaga pa rin bilang bahagi ng kalikasan at maaari pang pagkakitaan.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Kuya Kim Atienza, sinabing inaalagaan, isinisilid sa mga kahon-kahon at pinaparami ni Ricky Ranit, owner ng Montalban Feeders Farm ang mga ipis sa Montalban, Rizal.
Nagsimula siyang mag-alaga ng mga ipis dahil sa kaniyang pets tulad ng mga sugar glider at hedgehog.
Gayunman, hindi ganoon karami ang kaniyang mga alagang kumakain ng mga ipis, pero patuloy ito sa pagdami. Bukod dito, marami ring naghahanap ng mga ipis online kaya naisip niyang magbenta ng ilang piraso.
“Doon ko na-realize, may pera rito sa ipis na ito,” sabi ni Ranit.
Mga ipis na galing sa ibang bansa ang mga inaalagaan ni Ranit, tulad ng Blaptica dubia, Blatta lateralis at Madagascar hissing cockroach, na malalayo sa American cockroach na mga ipis na pinupuksa sa mga kabahayan.
Alaga na kung ituring ni Ranit ang mga ipis, na kaniyang pinapakain ng mga gulay at prutas, at binibigyan niya ng water crystals para hindi malunod ang mga ito.
Naibebenta ni Ranit ang mga dubia ng P1 kada piraso o P500 kada colony na may 200 piraso; lateralis sa halagang P150 kada takal; at Madagascar hissing cockroach sa halagang P50 kada piraso.
Karaniwang namemeste sa mga bahay ang American cockroach, na may kalakihan at reddish brown ang kulay, at kayang mabuhay ng hanggang tatlong taon.
Ayon kay Cristian Lucañas, insect taxonomist sa University of the Philippines Los Baños, Museum of Natural History sa Laguna, nawawala ang pagkapeste ng mga ipis sa kanilang tahanan dahil mayroon silang natural predators o parasitoids na nagpapababa ng kanilang populasyon.
Natuklasan ni Lucañas ang isa pang bagong genus at species ng ipis sa Pilipinas na Habbitoblatta lambioe.
“Medyo bad o masama ang reputasyon ng mga ipis sa ating mga tao. Kapag nakakita ka ng bagong species sana ma-increase ang awareness ng mga tao na hindi lang ipis bahay ang uri ng ipis na nasa mundo. Mabibigyan ngayon natin sila ng aksyon kung paano pangalagaan ang populasyon ng mga ipis, lalo ngayong nagbabago ang ating mundo,” sabi ni Lucañas.
Importante ring bahagi ng ecosystem ang mga ipis.
“Una sila ay mga Detritivores. Bahagi sila ng grupo ng mga organismo na nagbabalik ng nutrients sa ating lupa para magamit ulit ng iba pang mga organismo tulad ng mga halaman. Babagal ngayon ang pag-ikot ng nutrients sa ating ecosystem, bababa ang produksyon ng halaman, bababa rin ang populasyon ng ibang organismo na nakasalalay doon sa mga halaman na ‘yon,” sabi ni Lucañas.
Ayon pa kay Lucañas, hindi likas na marumi ang mga ipis dahil kung tutuusin, isa pa nga sila sa mga pinakamalinis na insekto.
“Lagi silang naglilinis ng kanilang katawan. Bahagi ‘yon kung paano nila pinakikiramdaman ang environment,” sabi ni Lucañas.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News