Isang 31-anyos na accountant sa Amerika ang aabot na umano sa 70 ang anak na nasa iba't ibang bansa kahit wala siyang asawa.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nagawa ni Kyle Gordy, mula sa Los Angeles, California, na maipakalat ang kaniyang lahi sa pamamagitan ng pagdo-donate o libreng ibinabahagi ang kaniyang semilya sa mga nais magkaroon ng anak.
Taong 2014 nang una siyang maging sperm donor sa isang lesbian couple na ayaw dumaan sa sperm bank.
Nais daw kasi ng couple na personal na makilala ang sperm donor bagay na hindi pinapayagan sa mga sperm bank.
Naging maayos ang pagbubuntis at panganganak nang una niyang tinulungan.
At sa sumunod na halos 10 taon, itinuloy ni Gordy ang kaniyang pagiging sperm donor na itinuturing niyang "charity work."
Gumawa na rin siya ng website para sa mga nais pang humingi ng "tulong" sa kaniya. Sa isang buwan, umaabot umano sa 50 ang nagpapadala ng mensahe sa kaniya.
Pero dalawa hanggang tatlo lang sa mga ito ang natutuloy.
Para mapanatiling maayos ang kaniyang kalusugan, umiinom si Gordy ng supplement para tumaas ang kaniyang fertility.
Gayunman, may mga pumupuna sa ginagawa ni Gordy. Kung magkakaroon daw kasi ng maraming sanggol na mula sa iisang sperm donor, posibleng magkakaroon ng hindi sinasadyang incest ang mga bata kapag lumaki na sila, lalo na kung hindi nila alam ang kanilang pinagmulan.
Pero sinabi Gordy na maiiwasan ito dahil magkakakilala ang mga babae na kaniyang tinutulungan at mayroon silang komunikasyon sa pamamagitan ng group chat.
Nagpapadala rin daw ng larawan ng mga bata ang mga magulang sa naturang group chat para makamusta at malaman ang kanilang kalagayan.--FRJ, GMA Integrated News