Hindi akalain ng isang grupo ng kalalakihan na libangan ang panghuhuli ng isda sa ilog at lawa na makakadale sila ng isang dambuhalang igat o palos sa Laguna.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Katrina Son, sinabing nakilala nito sa Nagcarlan ang grupo ng kalalakihan na nasa likod rin ng vlog na Ropa TV.
Sa video, makikita ang ilang lalaki na nagtutulong-tulong para mailabas ang kung anong isda na nasa ilalim ng malaking bato na nasa ilog.
At nang mahatak nila ang isda, isa pala itong igat o palos na may haba na limang talampakan. Mas malaki ito sa karaniwang nakikitang palos na dalawang talampakan lang ang laki.
Kuwento ni Paul Aldrin Sombilla, mga construction workers sila. At kapag walang trabaho tuwing Linggo, libangan nila ang magpunta sa mga ilog at lawa para mamana o manghuli ng isda.
Kadalasan daw na tilapia, dalag, at hito ang kanilang nahuhuli na ipinamamahagi rin nila sa iba kapag marami silang huli.
Ang naturang libangan sa simula, naisipan na rin nilang i-video at idokumento. Hanggang nitong Enero, nadakma nila ang dambuhalang palos.
"Kami po ay nagulat nang nahuli namin 'yon. Hindi po namin ini-expect na makahuli ng ganung kalaki. Malakas po siya, sobrang dulas kaya ang hirap siyang ilabas sa butas," kuwento ni Sombilla.
Pinagparte-partihan daw ng grupo ang nahuli nilang dambuhalang palos.
Muli namang susubukan ng grupo na makahuli ng giant palos sa ilog. Suwertihan kaya uli sila? At wala naman kayang nalalabag na batas ang grupo sa ginagawa nilang panghuhuli ng mga palos sa ilog? Panoorin ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA Integrated News