Mas dumami pa ang mga bumibili ng gayuma at kontra gayuma sa Quiapo, Maynila para sa papalapit na Valentine’s Day.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng ilang tindero na dumami na ang mga nagtatanong tungkol sa gayuma ngayong Buwan ng Pag-ibig.
Nagkakahalaga ng P500 ang isang bote ng gayuma, na may kasamang pitong uri ng halaman at mga nakarolyong papel na may dasal na nakasulat sa Latin.
Nagpayo si Tatay Ruben, halos apat na dekada nang nagbebenta ng gayuma sa Quiapo, na itago ang gayuma sa bulsa, at pindutin ito para lumabas ang pabango sa kamay. Kapag nariyan na ang taong natitipuhan, idampi ang gayuma sa kaniya para maamoy niya ito.
Meron ding itinitindang pangontra sa gayuma, na may lamang anito, buntot-pagi at iba’t ibang halaman na P500 ang presyo ng kada bote.
Sa kabila nito, may ilang tao rin sa Quiapo ang hindi naniniwala sa gayuma.
“Huwag daanin sa dahas. Kasi lalapit at lalapit at magugustuhan at magugustuhan ka rin noon,” sabi ni Tatay Ruben. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Gayuma at mga pangontra, mabenta sa Quiapo sa nalalapit na Valentine’s Day
Pebrero 10, 2023 2:10pm GMT+08:00