Hindi pasaway na driver ang hinuli ng isang traffic enforcer na nagmamando ng trapiko sa Angeles City, Pampanga kung hindi isang malaking sawa na nakita sa ilalim ng isang nakaparang sasakyan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabi ng nag-upload ng video sa ginawang paghuli sa sawa na nakita niya ang ahas na nasa ilalim ng sasakyan.
Kaagad umanong ipinaalam sa traffic enforcer ang nakitang ahas, na hindi naman umano nagdalawang-isip na hulihin ito kaagad.
Sa video, makikita ang enforcer na nakilalang si Ursus Cayanan na hinatak ang buntot ng sawa para maialis sa ilalim ng sasakyan sa Barangay San Ignacio Pandan.
"Nasagasaan na ng gulong. Sabi ko doon sa driver ng kotse, iabante mo para kumawala yung ahas. Noong pagka-abante niya, gumapang yung ahas," ayon kay Cayanan.
Hinuli na raw ni Cayanan ang ahas para hindi na magdulot ng takot sa mga tao. Bilang isang public servant, gagawin daw niya kaagad kung mayroon man siyang maitutulong para sa mga tao.
Ayon sa City Veterinary Office, reticulated python ang nahuling sawa na mahigit 12 talampakan ang haba.
Hinihanala na maaaring nanggaling ang ahas mula sa imburnal o alaga ito na nakakawala.
Ibinigay na ang ahas sa pangangalaga ng City Environment and Natural Resources Office.--FRJ, GMA Integrated News