May mala-bolang apoy umano na namataan sa ilang bayan ng Palawan pero hindi pa matiyak ng mga awtoridad kung bulalakaw o debris mula sa rocket launch ng China ang naturang hindi maipaliwanag na bagay.

Sa video ng GMA News Feed, sinasabing nakunan ng video ang biglaang pagliwanag ng paligid sa Bataraza at Rizal sa Palawan sa dis-oras ng gabi.

Sabi ng mga residente, nakarinig din sila ng pagsabog at nakaramdam ng pagyanig.

Bago nito, nakuhanan sa isang litrato ang mala-bolang apoy sa himpapawid na mistulang bulalakaw.

Patuloy na inaalam at kinukumpirma ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office kung ano ang namataan ng mga residente.

Pero ayon sa mga awtoridad, posible ring debris iyon ng rocket.

Matatandaan nitong Disyembre 29, 2022, naglabas ng advisory ang Philippine Space Agency (PhilSA) tungkol sa posibleng pagbagsak ng debris malapit sa Palawan kasunod ng rocket launch ng Sichuan Province, China.

“Expected unburned debris, such as rocket boosters and payload fairing, is projected to fall within a drop zone area located within the vicinity of Recto bank, approximately 137 km from Ayungin Shoal and 200 km from Quezon, Palawan,” saad ng PhilSA.

Dagdag pa ng PhilSA, hindi naman inaasahang babagsak ang debris sa lupa at residential areas bagaman posibleng magdulot ito ng panganib sa mga barko, sasakyang pangisda, aircraft at iba pang vessel drop zone.

Wala pang opisyal na kumpirmasyon kung rocket debris nga ang namataan sa Bataraza at Rizal.

Posible rin kasing magkaroon ng pagsabog kung papasok sa Earth ang isang meteor o bulalakaw.

Noong Mayo 2022, namataan din sa ilang bahagi ng India ang debris ng Chinese rocket na Long March 3B.

May nakita ring mala-bulalakaw sa Spain at Portugal noong Hunyo 2022.

Naging dahilan pa ang rocket debris para isara ng Spain at iba pang bansa sa Europa ang kanilang airspace.

Isang buwan matapos nito, namataan sa ilang lungsod sa Malaysia ang liwanag na bunga rocket debris na bumubulusok sa kalangitan.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News