Aabot sa 73 katao ang nailigtas pero mahigit 30 pa ang hinahanap matapos lumubog ang isang warship sa dagat dahil sa malalaking alon sa bahagi ng Prachuap Khiri Khan province sa Thailand.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing nakuhanan pa ng ilang sailors ang mga huling sandali bago tuluyang tumagilid at lumubog ang warship.

Maraming sailors ang nakakapit sa mga bakal habang naghihintay ng sasagip sa kanila habang nakalubog na sa tubig ang halos kalahati ng barkong pandigma.

Kumagat na ang dilim nang makalapit ang rescuers at hindi bababa sa 73 katao ang agad nailigtas.

Pero mayroon pa umanong mahigit 30 sailors ang naiwan noon nang tuluyang lumubog ang warship.

Isa sa kanila ang nahanap matapos niyang magpalutang-lutang sa dagat ng sampung oras.

“We found this guy holding a lifebuoy, so we rescued him. He was floating in the water for 10 hours. He is still conscious, so we could take him out of the water safely. He has minor wound over his head and sore eyes as he was exposed to sea water,” saad ni HTMS Kraburi commanding officer Captain Kraipich Korawee-Paparwit.

Ayon sa isa sa mga survivor, hindi naging madali ang pag-rescue sa kanila dahil malalaki noon ang alon na umabot ng tatlong metro ang taas.

Sa umaga ng December 20, nasa 31 pa ang nawawala at hinahanap sa Gulf of Thailand.

Tatlong navy vessels at dalawang helicopters ang ipinadala para sa search and rescue operations.

Samantala, ilan sa mga na-rescue ang kinakailangang dalhin sa ospital dahil sa mga natamo nilang injuries. Pero may ilang kinayang dumiretso sa naval base para mag-report.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News