Dahil hindi na matiis ang nararamdamang sakit sa tiyan, nagpasya ang 29-anyos na si Adrian Estoesta na magpatingin sa duktor. Dito na nakita ang bato sa kaniyang apdo na kasinglaki ng buto ng santol. Bakit nga ba lumaki ng ganito ang kanyang gallstones? Alamin.
Sa programang “Pinoy MD”, ikinuwento ni Adrian, tubong La Union, na hindi siya makakatanggi kapag inihain na ang popular na pagkain na mga Ilokano na kung tawagin ay ata-ata.
Bukod pa rito, mahilig din daw si Adrian sa iba pang mamantika at matatabang pagkain. Hindi rin daw siya umuurong noon sa alak.
Pero noong 2019, nagsimulang makaranas si Adrian ng pagsusuka at pananakit ng tiyan.
Nang magpatingin sa doktor, isinailalim siya ultrasound at nakita noon ang mga gallstone na maliit pa lang.
Pinayuhan ng mga doktor si Adrian na sumailalim sa gallbladder removal surgery pero tumanggi siya. Sa halip, binago niya ang kaniyang lifestyle.
“Siyempre ang pagpapa-opera ay mahal naman. So sinabi ko sa doktor, baka madaan pa sa exercise, sa healthy diet, tapos ‘yun nga maiwasan ko ‘yung mga bawal. So pinagpaliban ko muna ang operasyon,” dagdag pa niya.
Ang gallbladder o apdo ay nasa ilalim ng ating atay at dito napupunta ang ginagawa ng atay na tinatawag na bile.
Ang bile naman ay isang likido na inilalabas ng ating apdo at ito ay tumutulong sa pagtunaw ng mga fats, lipids at fatty acids. Nabubuo rin ang gallstones kapag namuo naman ang cholesterol, pigments at minerals.
Sa paniniwalang maaaring mawala ang gallstones, sinimulan ni Adrian pag-e-ehersisyo at pag-iingat sa kanyang mga kinakain. Nagtagumpay naman siya na mapababa ang kaniyang timbang.
Pero paliwanag ng gastroenterologist na si Dr. Paolo Demapelis, hindi basta-bata nawawala ang bato sa apdo.
“Sa mga taong alam na o given na may gallstones hindi ito basta-basta natatanggal sa healthy exercise at saka sa healthy eating habits. Although ikaw ay mas healthy lifestyle, mas mababang lumaki at mag-progress at maging komplikado ang gallstone,” paliwanag ni Demapelis.
At nitong nakaraang Pebrero, muling nakaramdam ng pananakit sa tiyan si Adrian. At muling magpasuri sa doktor, natuklasan na ang maliit na bato sa kanyang apdo noon, naging tila kasing laki na ng buto ng santol.
Dahil sa hindi na kayang tiisin pa ang sakit at takot na lumalala pa ang sakit, nagpasya na si Adrian na magpaopera.
“Nakita ko, grabe sobrang laki pala. Sobrang na-relief ako at least wala na, hindi na sasakit ang tiyan ko or ma-lessen na siguro ang pagsakit ng tiyan ko,” ani Adrian.
Ang nakuhang bato sa kanyang apdo ay may aktuwal na sukat na 26 millimeters.
Pero paanong nangyari na ang maliit na gallstones ay lumaki ng halos kasing laki ng buto ng santol? At ano ang magiging epekto sa katawan ng tao kapag wala na ang apdo? Alamin ang paliwanag sa video ng “Pinoy MD.” --FRJ, GMA Integrated News