Nawalan ng mga monghe ang isang Buddhist temple sa Thailand matapos silang dalhin sa rehabilitation center makaraang magpositibo sa drug test.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing apat na monghe ang nagpositibo sa methamphetamine, kabilang ang kanilang abbot o pinuno sa templo ng Bung Sam Phan District sa Phetchabun.
Ayon sa isang opisyal ng distrito, dinala ang mga nagpositibong monghe sa isang health clinic para sumailalim sa drug rehabilitation.
Tinanggal na rin sila sa pagiging monghe dahilan para mawalan ng mga monghe ang kanilang templo.
“The temple is now empty of monks and nearby villagers are concerned they cannot do any merit-making,” ayon kay Bung Sam Phan District Official Boonlert Thintapthai.
Kabilang sa merit-making ang pagbibigay ng pagkain ng mga mananampalataya sa mga monghe bilang simbolo ng kabutihang loob.
Magpapadala raw ng ibang mga monghe sa nasabing templo para umano maipagpatuloy ng mga residente ang kanilang pananampalataya.
Ayon sa United Nations Office on Drugs and Crime, nagsisilbing daanan daw ng mga tulak ng droga mula Myanmar papuntang Laos ang bansang Thailand.
May street value sa halagang 20 baht o mahigit P31 ang ilang pills o ipinagbabawal na gamot sa Thailand.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News