Pinaniniwalaan ng ilang residente sa Barangay Calambeg, Piddig, Ilocos Norte na may himala sa isang puno ng mangga na dating may kupas na larawan ng Birheng Maria dahil biglang may tubig na lumabas dito na hinihinala nila na kayang magpagaling ng sakit.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” isinalaysay ng residenteng si Nilo Ortecio kung paano niya nadiskubre ang pagsirit ng tubig mula sa naturang puno.
Ayon kay Ortecio, naghahanap lang siya ng panggatong kamakailan nang makita niya ang puno na may kupas at punit na larawan ng Birheng Maria.
Napansin din niya na may nakapakong kahoy na dos-por-dos sa puno kaya pilit niya itong tinanggal.
“Naisipan kong kunin ang dos-por-dos na ‘yun na nakapako du’n. Matagal kong tinanggal,” dagdag pa ni Nilo.
Sangkatutak na dasal na raw ang ginawa ni Nilo bago tuluyang natanggal ang kahoy. At laking gulat niya nang biglang sumirit ang tubig sa katawan ng puno.
Dahil dito, nagtaka na ang mga residente kung bakit may sumisirit na tubig sa puno.
Si Genero Agustin, may-ari ng puno, sinabing mas matanda pa sa kaniya ang puno. Wala siyang maisip na paliwanag tungkol sa paglabas ng tubig.
“Ang sabi ko sa mga kapitbahay bantayan niyo baka ‘yan na ang magbibigay sa atin ng tulong,” saad naman ng Kapitan ng Barangay Calambeg na si Joselito Aquino.
Samantala, agad na sumalok ng tubig mula sa puno si Hilda Matute para ipampahid sa mga sakit ng kaniyang katawan.
“Kalahating bote inipon ko. Subukan nga natin ‘to baka makagamot,” kuwento ni Hida.
Paniwala naman ng residenteng si Celeste Melad, maaaring galing sa balon na malapit sa puno ang pagsirit ng tubig.
“Malapit lang ang balon dito, more or less 5 meters. Siguro maaaring ‘yung ugat ng puno ng mangga ay ina-absorb ‘yung tubig na nagmumula du’n sa balon,” sambit ni Celeste.
Saan o bakit nga kaya may tumalabas na tubig sa puno ng mangga? May kaugnay nga kaya ito sa larawang kupas ng Birheng Maria? Alamin ang natuklasan ng eksperto nang suriin na ang puno't dulo nito. Panoorin ang buong kuwento sa video ng “KMJS.” --FRJ, GMA Integrated News