Nag-viral sa social media ang video ng isang guwardiya sa isang ospital sa Argentina na tila nakipag-usap at inalalayan pa ang "pumasok" sa pagamutan. Pero sa kuha ng CCTV camera, wala naman siyang kasama nang sandaling iyon.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang sekyu na mag-isang nagbabantay sa lobby ng Finochettio Sanatorium. Maya-maya lang, tumayo siya nang bumukas ang automatic door ng gusali.
Sa CCTV footage, malinaw na wala namang pumasok pero tumayo ang guard at tinanggal ang belt barrier na tila may pinapasok.
May inilista rin siya sa clipboard at tila may kinakausap.
Kumuha pa siya ng wheelchair at tila inaalok ito ang hindi nakikitang kausap. Pero ibinalik niya rin ang wheelchair kalaunan at pumunta muli sa kaniyang pwesto.
Batay sa report ng local media sa Buenos Aires, ang pangalan na inilista ng guard sa kaniyang clipboard ay isa umanong pasyente sa ospital na kamamatay lang noon.
Wala pang ibinibigay na pahayag ang guwardiya sa video pero itinanggi ng pamunuan ng ospital na may kababalaghan na nangyari.
“They said that the person registered someone who had died, and that is not here, there is nothing, there is no record log that shows this person. He says it, the name is not registered,” pahayag ni Finochettio Sanatorium Media Relations Director Guillermo Capuya.
Iginiit din ng pamunuan ng ospital na posibleng katuwaan lang ng guwardiya ang kaniyang ginawa.
Nagmakakaaberya rin daw talaga ang pinto sa kanilang entrance at posibleng napagtripan lang ito ng guwardiya.
“As it was broken, it opened by itself 28 times during the 10 hours between Thursday night and Friday early morning,” paliwanag pa ni Capuya.
“I don’t know if to make a joke or what, but it went viral. What I don’t believe in is ghosts,” aniya pa.
Nag-viral din ang isang video na nakunan sa isang bahay sa England matapos biglaang makalabas ang isang manika sa cabinet na pinaglalagyan nito.
Ang bahay ay pagmamay-ari nina Lee at Linzi Steer na nagpapatakbo ng Museum of Haunted Objects.
Ang manika ay isang Annabelle Raggedy Doll na siyang naging sentro ng horror film na “The Conjuring.”--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News