Sinong mag-aakala na ang mga lumang gamit at naitapon na, meron pa palang halaga? Ang isang antique collector bumibili daw ng mga gamit sa junk shop at naibebenta pa ito sa mas malaking halaga.
Totoo nga bang may pera sa basura? Alamin.
Sa programang “I Juander”, isinilaysay ng antique collector na si Sam Samillano Jr. na nagsimula raw siyang magkaroon ng interes sa pangongolekta ng mga lumang gamit dahil sa kaniyang mga lolo at lola.
“Na-inspire akong mag-collect dahil sa mga grandparents ko kasi nu’ng bata ako nakakakita na ako sa kanila ng mga maliliit na gamit or mga bagay na collectibles na hindi ko alam na mayroon din pa lang value,” saad ni Sam.
Ayon kay Sam, pinipili daw niya ang mga bagay na mukhang wala ng halaga sa iba pero maaari pang maibebenta.
“Ito ‘yung nakuha ko sa junk shops. Mayroong mga microscopes, then mayroong ibang brass items, mayroon pang sculptures. Mayroon pang iba’t ibang anik-anik galing sa junk shops,” aniya.
“’Yung iba, binebenta ko. Then ‘yung iba naman tinatago ko lang siya tulad ng microscope. So balak ko siyang gawing decorative lamp in the future,” dagdag pa niya.
Samantala, bumili si Sam sa isang junkshop sa Marikina ng nautical sextant sa halagang P5,500 at replika ng gladiator helmet sa halagang P1,500.
Ang mga lumang kagamitan na nabili ni Sam, ipapasa niya raw sa mas mataas na halaga.
At sa halagang 3,500, naibenta niya ang gladiator helmet sa Bloodlines na isang tattoo shop na may display na antique items.
Pero hindi lahat ng nakukuha ni Sam ay kaniyang naibebenta dahil ang iba sa mga ito ay itinatago niya.
Kabilang sa personal niyang koleksyon ang Gabriela Silang Sculpture na mula kay Isabelo Tampingco o ang Juan Luna raw ng ating bansa pagdating sa larangan ng iskultura.
“Nakuha ko siya sa isang old house sa BF Homes Paranaque at na-confirm ko siya na isa siyang Isabelo Tampingco dahil ‘yung sukat niya same ng nasa museum. Tapos same din mismo ang figure na ang subject is Gabriela Silang,” sambit ni Sam.
“Wala akong balak na ibenta siya. So, ito ay for keeps din,” giit pa niya.
Noong 2014, ang ganitong iskultura ni Tampingco ay naibenta raw sa mahigit P280,000 sa isang auction
Pero bakit nga ba may mga bagay na habang naluluma, mas tumataas ang halaga?
“Kasi nagiging rare. Hindi mo na mabibili sa kung saan-saan lang. At dahil kakaunti na lang siya, nagiging collectors’ item siya. So, mas rare, mas mahal,” pahayag ni Professor Nestor Castro, na isang cultural anthropologist. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA News