Ang dating patag na ilog umano sa Dolores, Quezon, bigla na lang daw nagkaroon ng talon o waterfalls sa loob lang ng magdamag? Totoo nga ba ito at papaanong nangyari?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinasabing nabuo ang naturang ilog, na kung tawagin ay Lagnas river, noong 1887 matapos pumutok ang Mt. Banahaw.
Malinis, mababaw at kalmado lang ang agos ng tubig. Pero kamakailan lang, nagulat na lang ang mga residente nang biglang bumungad sa kanila ang talon sa ilog na sinasabing bigla na lang lumitaw na nagpaganda sa lugar.
Ang taas ng talon, nasa 10 talampakan, at anim na talampakan naman ang lalim ng tubig. Mayroon pa itong dalawang mini falls.
Dahil sa tila misteryosong talon, nagkaroon bigla ng tourist attraction sa lugar, na nagbibigay naman ng hanapbuhay sa ilang residente.
May iba't ibang hinala ang mga residente kung papaano biglang nagkaroon ng talon sa ilog. Pero ang lumilitaw na totoong dahilan, ang isang matinding kalamidad na tumama sa lalawigan kamakailan.
Kung ano ito, tuklasin sa buong kuwento ng "KMJS," at alamin kung ligtas bang maligo sa naturang talon. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News