Agaw-pansin ang isang biik ang isinilang na dalawa umanong sex organ sa Barangay Puttao, Solsona, Ilocos Norte.

Sa ulat sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabi ng may-ari na 18 biik ang isinilang ng kaniyang alagang baboy pero naging kakaiba ang isang anak nito na dalawa ang ari.

Gayunman, malusog at malakas naman daw ang biik.

Ayon sa Provincial Veterinary Office, nagkaroon daw ng abnormal development ang biik habang pinagbubuntis ito ng inahin.

Bihira lang din daw magtagal ang ganitong kaso lalo na kapag nakakasagabal sa kaniyang paglaki.

“’Yun ay due to abnormal development ng hayop habang ‘yung iba ay nasa loob pa ng tiyan ng inahin. So malamang ito, hindi naman lahat ng anak niya ay ganoon. So, malamang puwedeng due to in-breed cases ‘yung nag-asawa sa kaniya within the family rin,” paliwanag ni Ilocos Norte Provincial Veterinarian Dr. Loida Valenzuela. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News