Patok daw tuwing tag-ulan sa Barangay Bagna, Malolos, Bulacan ang paglilibing sa putik ng mga bangus na na-fishkill at saka iluluto. Ligtas pa kaya itong kainin? Alamin.
Sa programang “Dapat Alam Mo!”, sinabing "lumlum" ang tawag sa proseso na ibinabaon sa putik ng ilang oras ng namatay na isda sa fishkill para hindi masayang.
Ayon kay Larry de Ocampo, nagluluto ng lumlum, may panahon o seasonal ang lumlum na bangus dahil ang isdang namatay lang sa fishkill ang kaniyang iniluluto.
“Kaya Lumulutang ang mga ‘yan dahil sa panahon din. Aaraw, uulan ‘yun dun sila nawawalan ng oxygen sa loob ng dagat. Madalang na mangyari ‘yun halos taon kung mangyari,” paliwanag ni Larry.
Bago gawin ang ginataang lumlum, hinahango nila ang mga namatay na bangus sa palaisdaan at saka ibabaon sa putikan sa loob ng anim hanggang walong oras.
Dahil patay na isda ang mga ito, sinabi ni Larry na kailangang mabusisi ang paglilinis tulad ng paglalagay ng asin sa bangus para matanggal ang amoy.
“Nasisigurado namin na malinis ang pag-babaunan namin at malinis ang proseso ng aming paglilinis. Ni walang tinik, bituka, hasang kaliskis. Wala po kayong makikitang kadumi-dumi. Na sa tagal na panahon na ginagawa namin ‘yan, ni pagdudumi, pagsakit ng tiyan ay wala kayong mararamdaman,” giit pa niya.
Kapag natanggal na ang tinik, hasang at kaliskis, hihiwain na ang bangus sa maliliit na piraso at saka lulutuin.
Gayunman, ligtas kayang kainin ito?
Para kay registered nutritionist-dietician na si Dr. Dex Macalintal, maaaring may negatibong epekto sa kalusugan ang pagkain ng lumlum.
“Ang pagkain ng mga isdang lumulutang-lutang ay puwedeng maging delikado sa inyong mga kalusugan lalo kung hindi ito niluto nang maayos. Maaari po kasi na ang mga isdang ganyan ay namatay dahil sa polusyon o contaminant sa tubig lalo na sa panahon ngayon na puwede ang tubig na kinamatayan ng mga isda ay madumi,” saad ni Macalintal.
Pero diin ni Larry, wala pa naman daw nalason sa paraan niya ng paggawa ng lumlum.
“Sasabihin bulok, niluluto pa. Wala po. Buhat pa ako ng panahon noong matagal na,” dagdag pa niya.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News