Inabot na ng gabi sa paghahanap ang isang couple at mga kasamahan nila sa Vancouver, Canada matapos mawala sa beach ang kanilang engagement ring na nagkakahalaga ng halos P1 milyon.

Sa video ng GMA News Feed, napuno ng kaba ang masaya sanang pre-wedding photoshoot nina Kirsten Durand at Troy Parker, nang mahulog sa buhangin ang kanilang engagement ring habang nire-reenact ang naging wedding proposal.

Nagkakahalaga umano ang singsing ng £14,000 o P943,000.

Nagmadali ang grupo sa paghahanap dahil bukod sa takip-silim na noon, malapit na rin mag-high tide.

“We didn’t know when the tide was coming in. We didn’t want it to get washed away,” sabi ni Parker.

Nag-hire sila ng metal detectorist ngunit hindi pa rin naging madali ang paghahanap. Bandang alas-otso ng gabi nang biglang mapasigaw ang kanilang photographer.

“So the photographer found it and I am so happy. And we had all these people looking for it. I cannot even see them because it is so dark,” sabi naman ni Durand.

Halos maluha si Durand nang mahanap ang kaniyang singsing hindi lamang dahil sa presyo nito kundi dahil nais niya itong maging isang family heirloom.

“The ring has always been more important to me…I wanted one I could pass down to my kids,” aniya. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News