Labis ang takot at hindi makatulog ang isang dalaga matapos na may tumabi sa kaniyang isang babaeng nakangiti at mahaba ang buhok habang nagvi-video call sa Rosario, La Union. May nagpaparamdam nga kaya sa kuwarto at ano ang pakay nito?
Sa programang "iJuander," ikinuwento ng 19-anyos na si Shaine Bona na nangyari ang nakakakilabot na pangyayari dakong 6 p.m. noong Agosto 2020, at ang dati niyang nobyo ang kaniyang kausap sa video call.
"Tapos bigla niya na lang pong pinatay 'yung video call nang hindi siya nagpapaalam," sabi ni Shaine.
Makalipas ang ilang saglit, nagpadala ng screenshot ang kaniyang ex-boyfriend, na kuha nila habang magka-video call.
"Noong nakita ko po 'yung screenshot na 'yun, nagulat po ako. Tumayo ang mga balahibo ko, nanlamig po, kasi wala naman akong katabi noon. 'Yung hitsura po ng babaeng nakasilip sa video call, nakangiti po siya, mahaba 'yung buhok," anang dalaga.
Hindi maipaliwanag ni Shaine ang kuha, dahil pader lang naman ang gilid ng kaniyang kuwarto at wala rin siyang ibang kasama.
Nagulantang din ang ina ni Shaine nang ipakita ng dalaga ang screenshot. Nag-alay sila ng dasal para sa babaeng nagparamdam umano pero magmula nito, hindi na nakakatulog si Shaine sa takot.
Alamin ang natuklasan ng isang paranormal investigator tungkol sa nagparamdam umanong multo, at ano naman kaya ang paliwanag ng photo and video expert sa larawan? Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA News