Good vibes ang hatid ng engineering students ng Bicol University matapos silang magsuot ng anti-cheating hats na may iba’t ibang disensyo sa kanilang midterm exam.

Sa ulat ni Jessie Cruzat ng GMA Regional TV News, nitong Huwebes, sinabing naibsan ang kaba sa pagsusulit ng mga mechanical engineering student sa Bicol University sa Legazpi City, Albay, dahil sa kanilang mgang anti-cheating hats.

Ang estudyanteng si Marc Louise Pelaez, gumawa ng anti-cheating hat gamit ang water container na binalutan niya ng papel.

May nakalagay pa rito na nakatutuwang mensahe na, “kung bagsak, mag-inom, kung pasado, mag-inom man giraray.”

Dahil sa pagiging creative ng mga estudyante, maging ang kanilang professor ay natuwa sa pakulo ng kaniyang mga estudyante.

“Sinabihan ko yung student ko na gumawa ng anti-cheating hat pero sabi ko sa kanila simple lang. Pero nagulat ako nung time na exam namin, grabe yung creativity ng mga students. Sobrang nakaka-enjoy, sobrang nakakapa-good vibes talaga,” wika ng kanilang Professor na si Engr. Mary Joy Mandane-Ortiz.

Dagdag pa niya, natutuwa siya dahil sa kabila ng hirap at epekto ng pandemya sa mga estudyante, bukas pa rin ang mga ito sa mga simpleng kasiyahan na nagsisilbing daan at inspirasyon para ganahan pa sila sa kanilang pag-aaral. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA News