May matandang kasabihan na kapag tumuntong sa pagdadalaga, maganda raw ipahid sa mukha ang dugo ng unang buwanang dalaw para kumunis at hindi magkaroon ng tigyawat. May katotohanan nga ba ito?

Sa ulat ni Katrina Son sa “Dapat Alam Mo,” inihayag ng 26-anyos na si Charise Valle, na sinubukan niya ang naturang paniniwala dahil na rin sa payo sa kaniya ng mga nakatatanda.

“Grade 6 ako then noong nagkaroon na ako, sinabi ng lola ko na, ‘try mo ipahid yung [dugo] sa mukha mo kasi para pagtanda mo, hindi ka magkakaro’n ng mga pimples,’” kuwento niya.

Kahit nandidiri, ginawa ni Charise ang payo.

"Nung na-try ko, gusto ko agad siyang hilamusan," saad niya.

Noong una, napinsin ni Charise na tila totoo ang paniwala dahil hindi siya nagkaroon ng masyadong tigyawat. Pero nang tumuntong siya ng kolehiyo, doon na nagsimulang lumabas ang malalaking tigyawat o acne.

“Mahilig po ako sa mga skin care hanggang sa ayon, nagkaroon na po ako ng mga pimple,” sabi ng dalaga. “As in sobrang daming pimple sa pisngi ko.”

Ang 22-anyos na si Terriese Jalapandan, ginawa rin ang naturang ritwal na ipinayo rin ng kaniyang mga kaanak.

“Tatalon ka sa hagdan tatlong beses tapos yung first mens mo, ‘yon yung ipapahid mo siya sa face mo kasi raw nakakawala, hindi ka raw magkakatigyawat,” paliwanag niya.

“Una muna, winash yung underwear tapos ‘yon yung ipinahid sa mukha na may konting sabon,” kuwento pa niya.

Tila tumalab naman kay Terriese ang ritwal dahil hindi raw siya masyadong tinubuan ng tigyawat sa mukha.

Bagaman magkaiba ang naging epekto ng naturang ritwal o kasabihan kina Terriese at Charise, nagpaalala ang dermatologist na si Dr. Krissy Jamora, na walang patunay na nakakakinis ng mukha o panlaban sa tigyawat ang unang regla.

“Most likely, the reason why the girl improves skin after her first period really is a genetic process. First menstruation is mostly blood products and discarded waste from the uterus,” paliwanag niya.

Bagaman walang masama na sumunod sa mga paniniwala, dapat umanong tandaan na ang kalinisan sa katawan ang paraan upang maalagaan ang balat.

“It’s important na before tayo gumawa ng pamahiin sa ating balat, we check the facts first kasi it can produce more harm than good if you’re going to do something irritating to your skin,” payo niya.

“Huwag tirisin yung pimples. Make sure na you wash your hands before washing your face. Regular washing of the face is also important but don’t over wash, avoid natin yung mga scrubs,” dagdag pa ni Jamora.— FRJ, GMA News