Nabisto ang modus ng isang ginang na patagong nilagyan ng plastic ang in-order nilang pagkain para hindi bayaran ang kanilang bill na £170 o mahigit P11,300 sa isang restaurant sa United Kingdom.

Sa isang CCTV footage, na mapapanood sa GMA News Feed, makikita na kasama ng babae ang kaniyang asawa at sanggol na anak.

Sinabi ng may-ari ng restaurant na si Naseem Khan na may kasama pang dalawang bata ang mag-asawa.

Matapos nito, um-order ang mag-asawa ng apat na appetizers, pitong side dishes, apat na drinks at anim na main courses.

Katatapos pa lamang nilang kainin ang kanilang first course, nagreklamo ang mag-asawa pero inubos naman nila ang pagkain.

"This particular couple started to complain about the starters first, but they ate all of them. And when the main food came out, they ate all of it again," sabi ni Khan.

Habang patapos na silang kumain, tinawag nila ang waiter at inireklamo na meron umanong plastic ang pagkain.

"The waiter said, 'We don't have this plastic in our kitchen, but I have the authority to give you 20 percent off and not charge you for the dish. The husband of the woman then stood up and said,'I'm not going to pay,'" sabi ni Khan, may-ari ng restaurant.

Umalis ang pamilya na hindi binabayaran ang bill.

Pero nang suriin ang CCTV, kitang kita ang ginang na may kinuha pala sa kaniyang bra na pakete ng sigarilyo.

Tinanggal niya ang plastic nito at ibinalik ang pakete sa kaniyang bra.

Gamit ang kaniyang ngipin, pinunit ng babae ang plastic, saka tinawag ang waiter at inilagay ang plastic sa pagkain.

Ginawa ng mag-asawa ang modus sa restaurant na nagbibigay ng libreng pagkain sa mga hikahos.

Hindi na sana sisingilin ng restaurant ang mag-asawa kung sinabi lamang ng babae na wala silang pambayad.

"As a Muslim, it is my responsibility to help others and give [to] charity... If she was struggling with money, she could have come to me and I would have given her food for free. But she didn't do that," sabi ni Khan. —LBG, GMA News