Tumatabo ngayon ng milyun-milyong views sa Tiktok ang isang alagang baboy na kaya raw makipag-usap sa kaniyang amo.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing Tiktok sensation ngayon si Merlin, isang Vietnamese Pot-bellied pig, dahil kaya nitong humingi ng tubig, humingi ng pagkain, at iba pang pangangailangan sa pamamagitan ng color-coded speech button.

Bukod pa rito, marunong din daw ang baboy na magsabi ng ‘I love you’ at sumagot ng ‘Yes.’

Paano ito nangyari?

Kuwento ng kanyang among si Mina Alali, anim na buwan niyang isinailalim sa training si Merlin para makagawa ng tricks gaya ng paglalaro ng soccer, pagsayaw at paghalik.

Hanggang sa nadiskubre ni Mina na puwede rin pa lang i-train ang kaniyang alaga na makipag-usap. Nagawa niya sa papamigitan ng mga speech button na may kulay na pinipindot ni Merlin, depende sa kaniyang pangangailangan.

Naturuan daw ni Mina si Merlin na kumilala ng mga kulay kaya hindi na naging mahirap para sa baboy na kilalanin ang color-coded buttons.

Sa pamamagitan din ng training, kaya rin daw ni Merlin na gisingin ang kanyang amo.

“I love training animals and creating strong, loving bonds. I’ve always wanted a pig as a pet so I decided to get Merlin to make my life more interesting,” ani ni Mina. --FRJ, GMA News