Pinandidirihan at kinatatakutan ng marami ang daga dahil sa hitsura nito at posibleng sakit na maaaring idulot. Pero may isang binata na ginawang alaga ang nahuli niyang daga, habang iniregalo naman sa sarili ng isang babae para sa kaniyang 18th birthday ang alaga niyang daga na binili pa niya.

Sa programang "Dapat Alam Mo," tinanong kung puwede nga bang gawin pet ang mga maitim na dagang-bahay o dagang-kanal kahit pa may peligro na pagmulan ito ng rabies at leptospirosis?

Sa Taguig City, ikinuwento ng 22-anyos na si Charlieboi Vertudazo, na tatlong taon na niyang alaga ang dagang si "Remy," na walong pulgada na ang laki.

Maliit pa lang daw si Remy nang mahuli niya ito sa ginawa niyang trap sa ibaba ng lababo. Pero sa halip na patayin, araw-araw niyang pinakain ang daga hanggang sa umamo na sa kaniya.

Isang beses sa isang linggo kung palitan ni Charlieboi ang kusot sa kulungan ni Remy. Pinapaliguan din niya ang alaga ng tatlong beses sa isang buwan.

Si Remy, kasama raw niya sa pagtulog. At nang minsan siyang makagat ng alaga, sinabon at hinugusan lang niya ito at nilagyan ng alcohol.

Sa Tondo naman, napag-alaman na sadyang mahilig na mag-alaga ng daga si Janna Gatdula, katulad ng hamster at gerbil.

Pero sa kaniyang ika-18th birthday, niregaluhan niya ang sarili ng karaniwang daga na binili pa niya sa halagang P130.

"Mas nacutan [cute] lang po ako sa kaniya," saad ng dalaga.

Nililinis niya ng tubig gamit ang bulag ang alagang daga na pinangalanan niyang Mikee.

Gaya ni Charlieboi, nakagat na rin ng kaniyang alaga si Janna. Hinugasan din lang niya ng sabon at tubig ang sugat at wala namang nangyaring masama sa kaniya.

Pero paalala ng eksperto, may peligro sa pag-aalaga ng daga. Maaari daw itong magdala ng rabies, pagmulan ng leptospirosis o virus na galing sa kanilang ihi.

"Kapag may open wounds tayo tapos nahawakan natin ang ihi nila, it could be a mode of transmission of leptospira," ayon sa veterinarian na si Dra. Averiele Francisco.

Puwede rin daw na pagmulan ang mga daga ng ectoparasites, partikular ang kuto.

Ipinaalala rin niya ang history ng plague na kumitil noon sa maraming buhay. Ang pinagmulan daw nito ay kuto ng daga.

May mga klase naman daw ng daga na puwedeng gawing pets gaya ng mga white mice. Pero dapat alamin kung saan ito galing, at kailangan na maging malinis sa pag-aalaga.--FRJ, GMA News