Itinuturing na pambihira ang kaso ng mga sanggol na may ngipin na agad pagkasilang. Pero dapat bang ipatanggal ang naturang mga ngipin, at totoo nga suwerte ang mga sanggol na ito?
Ayon kay Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, "natal teeth" ang tawag sa ngipin na nakalabas na pagkasilang pa lang sa sanggol.
Ganito ang nangyari sa bagong silang na sanggol sa Panabo City, Davao del Norte.
Ang mga magulang ng sanggol, nag-aalala nang unang makita ang ngipin ng kanilang anak. Nagpahayag din sila ng paniniwala na suwerte ang sanggol nila na may ngipin na.
Dahil kakaiba at pambihira ang ganitong kaso, sinasabing may paniniwala sa Europe na magiging matapang na mandirigma at lider ang mga sanggol na may natal teeth.
Pero sa China, masamang pangitain ang tingin sa sanggol na isinilang na may ngipin na.
Gayunman, ang naturang mga paniniwala ay walang anumang scientific proof o nagpakita ng matibay na katotohanan.
Sinasabing karaniwan na lumalabas ang ngipin ng sanggol pagkaraan ng apat hanggang pitong buwan makaraan na siya ay isilang.
Ayon sa dentista na si Dr. Maureen Ines-Manzano, dapat ipatanggal ang natal teeth.
“According to studies, ito ay hereditary or genetic. Usually, ito ay associated sa mga growth syndrome conditions. Kailangan mapatanggal agad kasi mahihirapan siyang mag-breastfeed,” paliwanag niya.
“Ang natal teeth ay matulis, maaaring magkaroon ng tongue injury or worse, dahil mobile ito at loose, maaari itong malunok, pumasok sa airways and then ‘di na siya makahinga,” dagdag ng duktora.
Kaya naman ang mga magulang ng sanggol na isinilang sa Panabo na may ngipin na, payag nang ipaalis ang natal teeth ng kanilang baby. —FRJ, GMA News