Kadalasan panakot tungkol sa multo ang paghatak nito sa paa sa taong nais niyang gambalain. Ganito nga kaya ang nangyari sa isang barangay tanod na nahuli sa camera na umangat ang isang paa habang natutulog sa loob ng barangay hall na sinasabing may kaluluwang nagpaparamdam? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinasabing "haunted" ang barangay hall ng Barangay 629 sa Sta. Mesa sa Maynila, dahil sa mga pangyayari rito na hindi nila mabigyan ng paliwanag.
Gaya ng tila tinig ng batang kumakanta at nangangaroling sa loob ng barangay hall. May naaaninag din umanong bata sa bintana sa ikatlong palapag ng gusali kahit walang ibang tao.
May mga bagay din umano na biglang nahuhulog o nawawala sa puwesto kahit walang gumagalaw. Minsan na rin nahuli sa CCTV camera ang pagkahulog ng isang upuan, at mga gamit.
Pero nangyari sa tanod na si Reynante Bueno na nahuli-cam habang natutulog sa ibaba ng barangay hall ang pinaka-nakakakilabot.
Dahil malayo ang inuuwian, sa barangay hall na natutulog si Bueno. At sa kuha ng CCTV, makikita na habang bahagya siyang nakadapa at nakatagilid sa pagtulog, biglang umangat na parang idinuduyan ang isa niyang paa.
Maya-maya pa, biglang napabaligwas na si Bueno at tila hinahanap kung sino ang humatak sa paa niya.
"Ang lakas. Bigla niya akong ginanon [hinatak sa paa] kaya nga napabaligwas ako," Bueno. "Sa sobrang takot ko parang hihimatayin ako."
Dahil sa nangyari, hindi na raw ulit natulog sa loob ng barangay hall si Bueno at piniling sa labas na lang dahil sa takot na baka atakihin siya sa puso.
Upang malaman kung totoo kayang may multo sa gusali, natungo sa barangay hall ang paranormal researcher na si Ed Caluag.
Kaagad na may naramdaman na mabigat at kakaiba si Ed. May nakita rin siya na kakaibang nilalang na isang bata sa lugar.
Matukoy kaya ni Ed kung sino o ano ang nagpaparamdam sa barangay hall? At ano kaya ang medikal na paliwanag ng isang dalubhasa sa pag-angat ng paa ni Bueno habang natutulog? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA News