Walang deadline sa pagkamit ng pangarap ika nga. Iyan ang ipinakita ng isang mag-asawa sa Dalaguete, Cebu matapos silang sabay na grumadweyt sa Alternative Learning System (ALS) kamakailan.

Ayon sa ulat sa Unang Balita, nagtapos sa Junior High School si Rochelle dela Torre habang sa elementary naman ang asawa niyang si Edgardo.

Kuwento ng mag-asawa, napilitan daw silang tumigil sa pag-aaral noon dahil sa hirap ng buhay.

Pero nang magkaroon ng pagkakataon na mag-aral sa pamamagitan ng ALS, hindi daw nila ito pinalagpas.

Anila, nahihirapan silang balansehin ang pag-aaral, trabaho at pamilya.

Si Edgardo ay isang hollow block maker at si Rochelle naman ay full-time na ina.

Ngunit pursigido silang matapos ang kanilang pag-aaral gaano man ito katagal.

Samantala, hindi naman naging hadlang ang kapansanan para sa 29-taong-gulang na si Ramil Asya.

Si Ramil ay isa ring mag-niniyog mula sa Mulanay, Quezon at itinuturing siyang inspirasyon ng Barangay Sta. Rosa.

Putol daw kasi at hindi kumpleto ang kanyang mga daliri sa dalawang kamay.

Hindi din daw pantay at may deformity ang kanyang mga binti mula raw pagkabata.

Pero pagdating sa pagtatapas o pagbabalat ng niyog, hindi papahuli si Ramil.

Mahigit sampung taon niya na raw niya itong ginagawa, kaya nasasanay na siya sa trabaho.

Dahil sa kahirapan, hindi na daw sila nakapag-patingin sa doktor at tumigil din siya sa pag-aaral para makatulong sa pamilya.

Gayunman, patuloy si Ramil na umaasa na makakapag-patuloy pa siya ng pag-aaral.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News