Halos kasabay ng pag-cut sa ribbon ang pagbagsak ng isang bagong tulay na pinasinayaan ng mga politiko sa Democratic Republic of Congo.

Sa isang video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita na agad umalalay ang mga security personnel sa isang babae na siyang pumutol sa ribbon.

Hindi nahulog ang babae at iba pang politiko na nasa bukana na ng tulay. Gayunman, nahulog sa nahating tulay ang iba pa nilang mga kasamahan.

Base sa mga lokal na ulat, ginawa ang tulay bilang kapalit sa dating tawiran na madalas masira at mapanganib umano sa mga tao.

Madalas ding mag-collapse ang dating temporary bridge at may mga pagkakataong may nahuhulog sa ilog.

Bukod dito, mabilis ding nalulubog sa baha ang dating tulay kaya madalas ma-stranded ang mga tao kung masama ang panahon.

Ayon sa mga opisyal, mas ligtas ang naitayong bagong tulay. Pero sa seremonya, nagsiksikan ang mga tao sa bagong istruktura, na halos dalawang metro lang ang lapad, kaya bumigay ang handrails nito.

Pinupuna ng netizens ang mababa umanong kalidad ng dapat ay maayos na tawiran sa ilog, pati ang isinagawang pag-ribbon cutting ng mga politiko sa isang maliit lang na istruktura.

Hindi pa sumsasagot ang mga opisyal tungkol sa kalidad ng tulay at sa nangyari, ayon sa ulat.--Jamil Santos/FRJ, GMA News