Naging record-breaking ang isang pagong na may dalawang ulo sa Switzerland dahil nabubuhay na ito ng 25 taon, ang pinakamatanda sa kaniyang mga uri sa mundo.
Sa ulat ng “Saksi,” sinabi ng mga tagapangalaga ni Janus, na kapangalan ng diyos sa Roman mythology na may dalawang ulo, sa Geneva Natural History Museum na iisa ang katawan at digestive system nito pero dalawa ang kaniyang puso at pares ng baga.
Magkaiba rin ang mga katauhan ng ulo ni Janus.
Ibayong pag-aalaga ang ginagawa kay Janus, na pinaliliguan, minamasahe, pinakakain ng gulay, pinaiinom ng tsaa at pinag-e-ehersisyo.
Sinabi ng mga nag-aalaga sa kaniya na hindi madalas na tumatagal ang buhay ng mga pagong na may dalawang ulo, dahil hindi kasya ang kanilang mga ulo sa loob ng shell.
Iniingatan ding hindi tumaob si Janus dahil nakamamatay ito sa pagong.
Pero palaban si Janus, na naoperahan pa sa bladder noong 2020. — Jamil Santos/VBL, GMA News