Hindi nakalusot sa matinik na aso ang P58.3 milyon halaga ng umano'y high grade shabu na itinago sa mga pampalasa na malakas ang amoy para maipasok sa Pilipinas.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita ang ilang beses na pag-iikot ng isang drug-sniffing dog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa apat na kaduda-dudang package.
Makalipas ang ilang saglit, umupo ito, na hudyat na naglalaman ng ilegal na droga ang mga package.
Nang buksan ng mga awtoridad, tumambad ang 8.5 kilo ng high-grade shabu.
Ayon sa PDEA, ito ang unang pagkakataong nakaharang ang ahensya ng ilegal na droga na ikinubli sa spices o pampalasa.
"Malakas kasi 'yung amoy niya. They were thinking na hindi siya maaamoy ng ating mga aso," sabi ni NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) Deputy Gerald Javier.
Idineklarang foodstuff ang apat na package, pero nabisto ng PDEA, Bureau of Customs at NAIA IADITG na kulang ito sa mga papeles.
Magsasagawa ang PDEA Task Group ng follow-up operation para mahuli ang nasa likod ng mga pagpapasok ng ilegal na droga.
Dagdag ni Javier, nanggaling sa Nigeria at dumaan ng Dubai ang mga package, bago dumating sa Pilipinas.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang nakuhang shabu samantalang isinasagawa ang imbestigasyon para matukoy at palakasin ang ebidensiya laban sa mga suspek.
Sasampahan ng reklamong paglabag sa Dangerous Drugs Act ang consignee ng shipment. --Jamil Santos/FRJ, GMA News