Larawan ng isang modelong magkapitbahay noon sina Jenny Rose Sonon at Nur-in Sabdini. Sabay maglaba, nagdadamayan at ibinabahagi ang hinaing sa buhay. Pero sa isang iglap, naglaho ang kanilang pinagsamahan nang dahil sa ingay.

Na-videohan pa nga ang bangayan nina Jenny Rose at Nur-in na nangyari noong nakaraang linggo. Makikita ang malakas na sigawan ng dalawa habang nagsisisihan tungkol sa ingay.

Kapuwa nangungupahan ng bahay sina Jenny Rose at Nur-in sa Quezon City. Sa ibaba nakatira ang pamilya ni Jenny Rose, habang nasa itaas naman ang pamilya ni Nur-in.

Dahil tabla lang ang sahig sa itaas, madidinig ang ingay sa itaas at sa ibaba. Bukod pa sa kalabog mula sa itaas na inirereklamo ni Jenny Rose.

Si Nur-in naman, inirereklamo ang ingay umano ng asawa ni Jenny Rose kapag gabi kung kailan matutulog na sila. Isama pa ang ingay na ginagawa rin daw ng mga anak ng dati niyang kaibigan.

Kahit na magkaibigan, tila hindi napag-usapan ng dalawa ang kanilang problema. Hanggang sa isang araw, sumambulat na ang kanilang galit.

Nagpalitan ng akusasyon ang dalawa at nagsigawan. Hanggang sa pagsisipain na ni Nur-in ang plastic drum na may tubig at nasira. Mabuti na lang at naawat sila kaya hindi tuluyang humantong sa pisikalan.

Ang dalawa, ipinatawag sa barangay para magharap at pag-usapan ang nangyari sa kanila. Magkapatawan pa kaya sina Jenny Rose at Nur-in para maibalik ang dati nilang samahan?

At maaari kaya nilang ireklamo ang isa pa nilang kapitbahay na nag-video ng kanilang away? Panoorin ang buong pangyayari sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."-- FRJ, GMA News