Lumaki sa magkaibang magulang at magkaibang lugar sa Davao Oriental ang kambal na sila Jericho at Rennier, na ipinaampon noong sanggol pa lang sila. Pagkaraan ng 14 na taon, hindi inaasahang nag-krus ang landas ng dalawa.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jericho na lumaki sa Mati City, na magsa-sampung taon gulang siya nang sabihin sa kaniya ng mga umampon sa kaniya na mayroon siyang kakambal.
Kaya naman mula noon, pinangarap na ni Jericho na hanapin at makita ang kaniyang kakambal.
Dahil may mga nagsasabi sa may nakikitang binatilyo sa ibang bayan na kamukha niya, tumulong ang tatay-tatayan ni Jericho na si Mang Sebastian sa paghahanap sa kaniyang kakambal.
Gayunman, natigil ang kaniyang paghahanap nang biglang bawian ng buhay si Mang Sebastian.
Samantala, lumaki naman si Rennier sa isang pamilya sa Marilog, na apat na oras ang layo sa Mati.
Hindi gaya ni Jerico, hindi alam ni Rennier na mayroon siyang kakambal. Pero may nakakapagsabi na rin umano sa kaniya na may nakikitang binatilyo na kamukha niya.
Hanggang sa isang araw, habang nasa isang pasyalan, aksidenteng nag-krus ang landas ng kambal.
Nagkausap ang dalawa at doon na ikinuwento ni Jericho kay Rennier ang tungkol sa hinahanap niya kakambal.
Nalaman din ng dalawa ang mga pagkakatulad sa ilang detalye sa kanilang buhay tulad ng araw ng kanilang kapanganakan.
Ang pamilya ni Rennier, inamin na rin ang tungkol sa tunay niyang pagkatao at pagkakaroon ng kakambal.
Noong una, nagkakahiyaan pa sina Jericho at Rennier, hanggang sa bumuhos na ang kanilang emosyon at nagkaiyakan nang magyakap na sila.
Tunghayan ang nakaaantig nilang pagtatagpo at alamin kung bakit kaya ipinampon ang kambal sa magkaibang pamilya? Panoorin ang video ng "KMJS."--FRJ, GMA News