Isang camp site sa Naawan, Misamis Oriental ang dinadayo, hindi lang ng mga nature lover, kung hindi maging ng mga taong nais magkaanak. Dahil ito sa isang malaking rebultong nakahubo at nakalabas ang maselang bahagi ng katawan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing matatagpuan ang kakaibang rebulto na gawa sa semento sa paanan ng bundok.
May taas ang rebulto na 15 talampakan, habang ang haba ng ari nito, nasa pitong talampakan.
Ang rebulto ay bahagi ng fertility corner na ginawa ni Ruth Gait na binuksan niya sa publiko noong 2020.
Ang mga nais magkaanak, kailangan lang humawak sa rebultong hubo. Bukod sa rebulto, mayroon ditong fish spa, kawa bath at massage.
Ginawa raw ni Gait ang fertility corner para makatulong sa mga hirap magkaroon ng anak. Marami raw siyang kasamahan na hindi pa nagkakaanak.
Ang konsepto ng rebulto ay nakuha ni Ruth sa Japan na may ipinaparadang rebulto ng ari.
"Ang sa kanila yung ari lang ang nakataas ang direksyon. Sabi ng artist ko ibahin natin, may structure ng tao saka tuli yung sa structure," kuwento ni Ruth.
Sinadya raw na lakihan ang ari ng rebulto dahil sa paniwala ni Ruth na, "Kasi kung mas malaki mas malaki siguro yung chance na mabuntis."
Kahit dalawang taon pa lang ang fertility corner, marami na umano ang nagsasabing totoo na mabubuntis ang pupunta sa naturang lugar.
Gaya ng 25-anyos na si Janice, na nabuntis daw pagkaraan ng isang buwan mula nang pumunta sa fertility corner.
Si Anya naman, nagbiro lang daw sa higanteng rebulto. Pero pagkaraan ng isang linggo, naramdaman na niya ang kaniyang pagbubuntis.
Pero nakunan siya pagkalipas ng isang buwan. At pagkaraan pa ng ilang buwan, muli siyang nabuntis.
Ang mag-asawang Razel at Daisy, apat na taon nang sinusubukang magbuntis.
Sinabihan umano ng duktor si Daisy na mahihirapan na magbuntis dahil mayroon siyang PCOS o Polycystic Ovarian Syndrome.
Nang malaman nila ang tungkol sa estatwa at fertility corner, pinuntahan ito ng mag-asawa. At noong May 2021, nabibiyaan na sila ng anak.
Ano naman kaya ang masasabi at paliwanag ng espesyalista tungkol dito? Panoorin ang buong video ng "KMJS." --FRJ, GMA News