May kakaibang paraan ng panggagamot ang mga taga-Bantayan Island sa Cebu para sa kanilang ngipin, kung saan kailangan lamang nilang humigop ng usok mula sa isang tubo para lumabas ang mga uod na nagdudulot umano ng sakit.

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Oscar Oida, sinabing "Hipo" ang tawag sa tradisyunal na paraan ng mga taga-bayan ng Putian para gamutin ang sumasakit nilang ngipin.

Ang 46-anyos na si Bregida Desamparado ang takbuhan ng kaniyang mga kapitbahay na masakit ang ngipin.

"Namana ko ito sa aking ina. Simula pa noong bata ako, ito na 'yung ginagawa niya. Dito na ako namulat at ipinagpatuloy ko hanggang ngayon," sabi ni Desamparado.

Wala umanong malapit na dentista sa lugar nina Desamparado.

Kaya naman ang paghihipo ay ginagamitan ng bakal, bao, sanga ng papaya, lana o langis ng niyog, at pinatuyong buto ng talong talong.

Ang 11-anyos na pasyente ni Desamparado na si Annabelle, hinigop ang usok mula sa sanga ng papaya. Pagkalipas lamang ng 30 minuto, may dinura nang uod ang bata.

"Palagi talagang may nakukuhang uod. Kulay puti 'yung katawan ng uod tapos may kulay itim sa dulo," sabi ni Desamparado.

Sinabi ng dentistang si Dra. Christa Cavite-Pinoon na bagama't hindi totoo "toothworm," puwedeng mabuhay ang mga uod sa soft tissues tulad ng labi, bibig at lalamunan. Gayunman, "very, very rare" ang ganitong mga kaso.

Posible ring makapagpalala ang hipo sa impeksiyon sa ngipin at gilagid.

Paliwanag naman ng botanist na si Walter Suarez, hindi uod ang nakita ng mga residente, kundi mula sa radicle ng tinuyong talong talong. —Jamil Santos/NB, GMA News