Hindi maligno kundi mga pera--pati na dolyar--ang makikita sa isang puno ng Balete sa Miag-ao, Iloilo. Ang naturang puno, pinapaniwalaang kayang magbigay ng katuparan sa mga humihiling. Kaya ang tawag dito-- Balete wishing tree.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Victoria Tulad, makikita ang mga perang nakasabit sa puno na nakalagay sa plastic na kasama ang sulat ng kahilingan ng naglagay.
"Meron kasi kaming customer na taga-Lawaan, nagsabit siya ng pera sa puno ng Balete. Noong susunod na mga weeks, months, marami nang nagtanong kung ano 'yung Balete? Sabi namin, 'wishing tree.' 'Yung iba namang customer, sunod-sunod ding nagsabit ng mga pera," sabi ni Dolly Moradillo, may-ari ng wishing tree.
Hindi lang ang mga nakatira sa lugar ang nagsasabit ng pera kundi pati mga turista. Kaya makikita rin na may nakasabit na ibang uri ng pera gaya ng dolyar.
"Meron ding mga one dollar. May P20, P50, P100 P500, ang pinakamalaki. May German na nagdadala ng offer na mga prutas, inilalagay nila doon sa puno," sabi ni Moradillo.
Kaya naman noong 2016, nakaipon na ng P20,000 mula sa mga nagsabit ng pera at humiling dito. Ginamit ang pera para sa pagpapatayo ng grotto sa tabi ng puno.
Minsan na ring natumba ang puno ng Balete noong nakaraang taon dahil sa bagyong Odette. Agad naman itong itinayo ng mga taong nagmamalasakit sa puno.
"Nagdadasal ako rin, magwi-wish ako. 'Yung mga wish ko diyan naga-grant talaga. Katulad 'yung mga wish ko na maging successful ang mga pamangkin ko, nakatapos sila ng pag-aaral at saka nagkaroon sila ng magandang buhay," ng Barangay Kagawad na si Teresita Figuracion.
"Ang wish ko talaga na sana tuloy-tuloy ang trabaho ng asawa ko at ang anak ko maging maayos ang pag-aaral. Awa ng Diyos, taon-taon naman talaga may award siya," ayon naman kay Jocelyn Malinao, residente ng Miag-ao.
Paliwanag ng cultural anthropologist na si Nestor Castro, matagal nang ginagawa ng mga Pilipino ang paghiling sa mga puno, tulad ng sa puno ng Balete.
"Mas matagal 'yung paniniwala natin na naninirahan ang mga diwata sa mga matatandang puno tulad ng mga Balete," sabi ni Castro.
"Kung magwi-wish ka lang pero hindi ka naman kikilos, balewala rin. Kinakailangan, sige mag-wish ka pero magsumikap ka rin para matupad ang iyong wish," paalala ni Castro.--FRJ, GMA News